Monday, March 9, 2020

Ang Kanyang Hirap At Pangarap









Nagising na naman ako sa ingay ng kumukulong tubig at sa amoy ng matapang na kape.Pagkamulat na aking mata ay naaaninag ko na ang kanyang pulang uniforme,ang kanyang tindig,ang kanyang nangungulubot at  kulay kayumangging balat na halatang babad sa initan,at ang kanyang mukha na may bakas ng pagod at pagkapuyat.Sanay na ako sa aking nasasaksihan,madalas talaga syang magising ng maaga para kumayod.Tumayo na ako sa aking pagkakahiga,at ng makita nya ang aking pagtayo mula sa kama ay binati  nya ako agad ng "magandang umaga anak,anong gusto mong almusal?"

Napakasarap gumising ng umaga kung ito sayo ay bubungad.Napakasarap magpursige sa pagaaral kung sya ang gagawin mong inspirasyon.Hindi nakakapagod tuparin ang yung mithiin kung isa  sya sa dahilan kung bakit ka nagpapatuloy.

Ang aking ama,ang napakasipag kong ama.Bagamat sya ay matanda na ay todo kayod sa pagpapasada para suportahan ang aming pagaaral.Hinaharap ang peligro sa kalsada,tinitiis ang pagod at init,tinitiis ang ugali ng kanyang pasahero,tinitiis ang gutom at kakulungan ng tulog, at  pinagtitiyagaan ang maliit na kuha sa pagtataxi.Lahat ng ito ay kanyang ginawa para sa pangarap ko,para sa pangarap nya sakin at para sa pangarap naming dalawa,Ang makapagtapos ng abogasya.

Nakikita ko ang hirap nya at ang tangi ko lang kayang gawin para masuklian ito,ay galingan ko sa aking pagaaral.Nakikita ko kung gano sya kasaya sa tuwing may dinadala akong  parangal at medalya.Isinasabit nya pa nga ito sa aming dingding at pinagmamalaki sa tuwing may bibisita sa amin.Kapag wala naman syang pasok ay pinupunasan nya ang mga ito.Sa tuwing ako ay nagaaral sa exam ay dinadalhan nya ako ng mainit na chokolate sa aking kwarto at pagkauwi galing sa school ay halik nya agad ang bubungad sakin at magwiwika ng "mukhang pagod ang aking anak ah,halika at ikaw ay kumain na"

Hindi sya na papagod na ipakita araw araw ang kanyang tiwala sakin,ang tiwala na kaya kong gawin ang pangarap naming dalawa.Hindi pa man ako nakakatungtong sa kolehiyo ay pinagmamalaki nya na ako.

Nang minsan kami ay nagkausap,gusto nya daw na kapag ako ay nakapagtapos ay bibilhan ko sya ng bukirin at magaalaga daw sya ng mga hayop sa probisya.Aminado kasi sya na mahina na ang kanyang katawan at maipapahinga nya na  ito kapag ako ay nakapagtapos sa kolehiyo.

Na sana ay bumilis na ang takbo ng oras.Na sana ay pagmulat ng aking mata ay hawak ko na ang diploma.Para hindi ko na makita pa ang ilang taong pagpapagod ng aking ama.Para hindi nya na kailangan pang magbabad sa initan at tiisin ang hirap.

Naniniwala ako na darating ang  araw na  sya ay hihiga na sa malambot na kama,kakain ng masasarap na pagkain,at magbabakasyon sa kung saan nya man gustong naiisin.Naniniwala ako ng masusuklian ko din ang kanyang  paghihirap.Matutupad din balang araw ang pangarap naming dalawa.Hindi man ngayon,pero sa tamang panahon.

No comments:

Post a Comment